Martes, Oktubre 11, 2011

Tayo; Bilang Sangkap ng Pag-unlad ni"mots"


Tayo; Bilang Sangkap ng Pag-unlad
            Lahat ay ginawa ng Diyos na may dahilan, ni munting paruparu nga ay mayroon ding pakinabang, ano pa kaya tayong mga tao na may angking pag-iisip at kakayahan. Bilang mag-aaral sa institusyong ito, ano nga ba ang maaari nating maibahagi para sa mas ikauunlad pa ng MSU-IIT? Sapat na nga ba ang ating kakayahan, talino, at talinto para paunlarin ito? Mahigpit na bang nakabigkis ang mala-walis nating samahan upang ligpitin ang kakulangan at kamalian ng kasalukuyan para sa mas ikakatatag ng ating paaralan?
            Sa unang pagtungtong ko pa lamang sa Mindanao State University (MSU-IIT), nasabi ko na sa aking sarili na ditto na ako magtatapos ng kolehiyo, lalo pa ng nasaksihan ko na ang iba’t-ibang mga activity at programa sa paaralang ito. Halos nandito na ang lahat, ang seguridad ng mga tao dito, mga pasilidad, sapat na silid-aralan at mga resources, ni wala ka ng hahanapin pa. Ngunit isa sa mga nabatid kong kamalian ng MSU-IIT ay ang bayarin ng mga mag-aaral dito. Oo nga’t mura lang ang bayarin natin sa tuition fee ngunit halos hinatak naman ang ating bulsa pababa dahil sa bigat ng bayarin natin sa tinatawag ng ilan na other miscellaneous fee. Nagbabayad tayo para sa mga pasilidad ng paaralan ngunit hindi naman natin masyadong naeenjoy ang mga ito. Bakit hindi na lang nila babaan ang bayarin natin sa mga ito total napakarami naman ng mag-aaral sa MSU-IIT, kahit ilang kapirasong barya lang ay napakalaking bagay na para sa ating mag-aaral. Dinagdagan pa ng nakaambang panganib na maaaring maidulot ng isyu ng Budget Cut kapag naaprobahan na naglalayong babaan ang budget nating mga skular ng bayan. Huwag nating hayaang ipagkait nila ang benipisyong dapat ay para sa atin.
            Isa rin sa mga maaari pang ikauunlad ng MSU-IIT ay ang kakayahan natin na makipagsabayan sa ilan sa mga nangungunang kolehiyo sa hilagang bahagi ng bansa. Bakit hindi natin bibigyan ng pagkakataon ang pangalan ng ating paaralan na mairegister sa UUAP o kaya’y NCAA. Hindi dahil mas tanyag ang paaralan nila sa atin ay magpapahuli na lang tayo sa kanila. Nasaksihan natin noong kamakailan lang na Palakasan kung gaano kalapit sa puso ng mga IITians ang sports. Ang mala-kidlat na spike ni Hael Rapal sa larong volleyball, ang mala fast and furious na teamwork nina Manlunas at Dinorog sa larong basketbol, ay ilan lamang sa mga magagaling na manlalaro na maaari nating ipantapat sa UAAP o kaya’y NCAA. At kung cheerdance naman ang pag-uusapan, hindi rin magpapahuli ang ating Red Lions na todo bigay sa kanilang ensayo gabi-gabi para lang maipakita ang kanilang stunts na makalaglag puso sa galing.
            Isa pang hindi kaaya-ayang gawain na nakita ko sa IIT ay ang paninigarilyo ng ilan sa loob ng campus. Hindi ba’t ang twin court ay lugar kung saan naglalaro ng basketbol at hindi lugar upang paglaruan ng braha. Hindi lang iyon, may ilan pang estudyante na naninigarilyo habang pahiga-higa sa ilalim ng puno ng talisay. Ngayon lang ako nakakita ng grupo ng mga mag-aaral na ginawang last subject ang twin court para manigarilyo. Hindi pa sila nakontento at ginawa pa itong tambayan kapag nagka-cutting class. Alam ba ito ng ating faculty o nagbubulagbulagan lang sila? Nang minsan nga habang bumibili ako ng pagkain sa CBAA canteen ay may nakita akong instructor na naninigrilyo habang dumadaan. Para bang wala siyang pakialam kung makakalanghap man ng usok ang mga estudyante sa CBAA canteen ng mga sandaling iyon. Hindi lang iyon, mayroon pang instructor na naninigarilyo sa loob ng gym. Di ba dapat ay physical education ang tinuturo doon at hindi upang abusuhin ang katawan?
            Kung mapapansin natin halos magkadikit-dikit ang mga internet cafe sa labas ng ating paaralan. Makikita nating pawang mga estudyante ang naglalaro kahit sa oras pa ng klase. Todo tutok sa monitor, maipanalo lang ang larong Dota at halos sumabay na ang katawan mailagan lang ng character ang mga bala sa larong K.O.S. Nang minsan naitanong ko sa aking sarili kung alam ba ito ng mga nakatataas sa IIT o nagbibingi-bingihan lang sila sa mga pangyayaring ito.
            Siguro mas magandang pagmasdan kung magsusuot ng uniporme ang lahat ng estudyante sa IIT. Bukod sa malinis ay mas kaaya-aya pa itong tingnan. Mas madali nating malalaman kung ang isang estudyante ay taga-IIT o hindi. Sana’y pakinggan ito ng nakatataas sa IIT at ipapatupad ang standard uniform sa mga mag-aaral nito. Ipagmalaki nating tayo ay IITians, taas noo kahit kanino. Huwag lang nating dalhin ang ating pagka-IITians sa Studio 46, Petron, Caltex, at ilan pang mga inuman sa lungsod ng Iligan. Hindi ba’t nakakahiyang isipan na kahit itago pa natin ang ating mga I.D sa bulsa kapag naglalakwatsa ay daladala pa rin natin ang dignidad ng ating paaralan. Kaya sana naman ay huwag natin itong dungisan. Ika nga “Batu bato sa langit ang tamaan huwag magalit”.
            Lahat tayo ay may kakayahang paunlarin ang MSU-IIT kung gugustuhin lang natin. Isipin nating hindi natin maaabot ang tuktok ng kaunlaran kung walang hakbang na gagawin. Bakit hindi natin hikayatin ang mga may mas kapangyarihan sa paaralan na pakinggan ang hibik nating mga mag-aaral para sa mas ikauunlad pa ng MSU-IIT. Isipin nating ang lahat ay napagtatagumpayan lalo pa’t nagkakaisa at nagsisikap. Sugod lang ng sugod, laban kung laban. MSU-IIT, patuloy sa pag-unlad hanggang ang lahat ng ating pagsisikap ay masuklian ng minimithing tagumpay.

1 komento:

  1. ma'am ivy, f ever nga mabasa ni nimu, ako ga post ani. Mark Lister Gultiano, tnx ma'am...
    mot'z lang akong gebutang para dli kau halata,,,

    TumugonBurahin