Sabado, Oktubre 8, 2011


IIT, Tagahubog ng Hinaharap

“Ang edukasyon ay kayamanang hindi nananakaw.”
Iilang beses na kaya natin narinig ang kasabihang ito?  Mula elementarya ay ito na ang maririnig mong payo ng mga guro para mag-aral ng mabuti…parang sirang plaka – paulit-ulit.
Ngunit, isa ito sa dahilan kung bakit umuunlad ang isang tao, ang isang lugar, ang isang bansa. Kaya naman, magmula pa noon isa na sa naging hangad ng mga Pilipino ang makapag-aral ang kanilang mga anak sa isang prestihiyosong paaralan.
Subalit, hindi rin maikakaila ang katotohanang, iilan sa mga pinakaprestihiyosong paaralan ay napakamahal na kailangan pang maging skolar para makapasok. Papaano naman kaya ang iba?
Isa ito sa dahilan kung bakit kung ikukumpara sa ibang bansa sa Asya ay mababa pa rin ang porsyento ng trabaho dito sa bansa. Ang katotohanan ay marami pa rin ang hindi nakapag-aaral sa kolehiyo dahil walang pera kahit na matatalino. Sabihin na nating may mga programa para maging skolar ang isang estudyante ngunit hindi naman lahat ay nabibigyan ng pagkakataon dahil na rin sa limitado din naman ang perang nakalaan para sa mga programang ito.
Isa pa, kahit na may maraming paaralan sa Pilipinas, hindi din naman maikakaila na nag hinahanap ng mga tao na paaralan ay iyong nabibigay ng dekalidad na edukasyon sa murang halaga. Isa din naman kasi sa tinitingnan ng mga kompanya ay ang pangalan at repuatasyon ng paaralan.
Marami din sa atin ang naghahangad ng paaralan na hindi lang kayang patibayin ang ating mga isip kung hindi pati na rin ang ating mga kakayahan, iyong paaralan na alam nating kayang ilabas ang lahat ng ating abilidad.
Dito papasok ang MSU Iligan o mas kilala sa pangalang MSU-IIT, isa sa mga pambansang unibersidad na miyembro ng MSU. Kung ang pag-uusapan ay halaga, hindi man ito kasing mura ng sa Marawi kampus ay isa pa rin ito sa maituturing na may pinakamurang halaga. Ang kailangan lang ay pumasa sa eksaminasyon na ibinibigay ng MSU para matanggap at makapasok sa paaralan.
Maayos din ang lokasyon nito dahil nasa tabi lang ito ng pambansang kalsada at madali lang matunton. Ito ang nagbibigay sa paaralan ng direktang akses sa iilang komersyal na establisiyemento. Napapalibutan din ito ng mga bahay na pinapaupahan na sa mga estudyante kaya hindi na kailangang maghanap sa malayo. Hindi rin masyadong mag-aalala ang mga magulang dahil ang ilan sa malalapit na bahay na ito ay miyembro ng DSA (Department of Student Affairs) ng paaralan.
Sapat rin ang laki ng paaralan para sa mga estudyante nito at masasabing ligtas din ito para sa mga estudyante dahil maraming “security guard” ang nakabantay. Isa pa, kahit na kalimitan ay mainit ang klima ng Iligan ay may nagbibigay pa rin naman ng preskong hangin dahil sa iilang punung-kahoy na nakapalibot dito.
Kilala na rin ang IIT sa iilang bahagi ng bansa sa pagbibigay ng dekalidad na antas ng edukasyon lalung-lalo na kung ang pag-uusapan ay siyensya at teknolohiya. Lahat ng departamento ng CSM (College of Science and Mathematics) ay binigyan ng CHED ng Center of Excellence.
 Ang iba naman ay patuloy na nagpapa-eksamin para tumaas ang kanilang antas. Hindi tataas ang antas ng isang departamento o kolehiyo kung hindi makikita ng CHED na nagbibigay nga ito ng dekalidad na edukasyon, pagkakaroon ng dekalidad na mga guro at kung makakatulong ba ito para paunlarin pa ang bansa, halimbawa nito ay ang pagkokonsdera nila sa mga proyekto at mga tesis ng mga estudyante sa bawat departamento.
Kung pag-uusapan ay mga dekalidad na mga guro, hindi pahuhuli ang IIT, halos lahat kasi ng mga guro ay nakapag-aral sa ibang bansa o kaya ay nag-aaral pa o kumukuha pa ng kanilang doctoral na antas. Marami din sa mga guro dito ay iilang beses ng nakatanggap ng parangal katulad nina Prof. German Gervacio sa larangan ng panitikan at Dr. Ryan Balili sa larangan ng pisika. Ang iba ay kinikilala naman ng mga organisasyon sa ibang bansa dahil sa kanilang mga pag-aaral sa kanya-kanyang larangan.
            Ang iba naman ay sa larangan ng sining nagbibigay ng karangalan, katulad na lamang ng OCTAVA na iilang beses na nagpakita ng talento sa pag-awit o ng IPAG na sa teatro naman ipinagmamalaki., hindi lang dito sa bansa kung hindi pati na sa ibang lupalop ng mundo.

            Isa rin sa ipinagmamalaki ng IIT ay ang katotohanang hindi ito nahuhuli sa may mga matataas na posyento ng pumapasa sa mga “board exam” at minsan ay hindi lang pumapasa kung hindi isa rin sa mga nangunguna. Halimbawa na nito ang sa katatapos lang na eksaminasyon sa larangan ng EE (Electrical Engineering) at ME (Mechanical Engineering) na parehong isang daang porsyento ang pumasa.
            Subalit, hindi lang ang isip at talento ang ginagawang basehan para sa isang mabuting indibidwal. Isa ito sa misyon ng IIT, ang hubugin ang mga estudyante para maging mabuting mamamayan na hindi lang nag-aaral para makapag-trabaho kung hindi para makatulong ang pinag-aralan para sa mas mabuting komyunidad. Ang sabi nga ng ilang propesor , “Nag-aaral kayo, hindi para makapag-trabaho kung hindi para magbigay trabaho”.  Kumbaga, hindi lang para maging empleyado kung hindi para maging isang lider na tutulong para umangat ang ekonomiya nating mga pinoy.
            Dito sa IIT, hindi lang ang pagiging matalino ang mahalaga kung hindi pati na rin ang pagiging masipag ng isang estudyante. Sa paaralang ito nabibigyan ang lahat ng opurtunidad na makapag-aral, na maging isang dekalidad na indibidwal, na magkaroon ng kayamanan na iyung-iyo lang.
            Ano pa nga ba ang hahanapin mo sa isang pamantasan?

By:  Ryan Carlo Calinawagan Gumadlas
Gwapo Di ba?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento