Ermac, Janine T.
BSE-Physics
Filipino I
B8-4
“UNIBERSIDAD PARA SA LAHAT”
Lahat ay nagsimula sa isang take. . .take ng SASE exam. Marami naman ang nagsurvive pero ‘wag ka, hindi madaling makapasa. Kailangan mo munang dumaan sa butas ng karayom bago makapasok sa MSU-IIT. Tama, sa MSU-IIT kung saan hindi lamang mga Iliganon ang nag-aaral at nag-aasam na mag-aral kundi mga taga-ibang lugar din sa Pilipinas. Ano bang meron sa paaralang ito at maraming nagaganyak na mag-aral?
Ang MSU-IIT ay binubuo ng walong kolehiyo. Ang mga gustong maging isang nurse ay sa College of Nursing (CON) nararapat. Sa College of Business Administration and Accountancy (CBAA) naman dapat pumunta kung mahusay sa pamamalakad ng mga negosyo. Masasabing nandito talaga sa College of Engineering (COE) at College of Science & Mathematics (CSM) ang mga sobrang talinong estudyante. Napakatalentado naman ng mga nag-aaral sa College of Arts and Social Sciences (CASS) at mahusay rin naman ang mga estudyante sa School of Computer Sciences (SCS) pagdating na sa mga kompyuter. Hindi naman magpapatalo ang School of Engineering Technology (SET) kapag pinag-usapan na ang teknolohiya. Pinakahuli sa lahat ay ang College of Education (CED) kung saan nabubuo ang mga mahuhusay na guro. Ang mga kolehiyong ito ang naghahasa sa mga estudyante para maging mahusay sa larangan na kanilang kinuha.
Walang magaganap na pagtuturo kung walang nagtuturo. Tama ‘di ba? Ang mga guro at propesor ng IIT ay ibinabahagi ang kanilang oras at lahat ng nalalaman para mabigyan ng tamang kaalaman ang mga estudyante. Sila ang humuhubog at humahasa sa bawat estudyante upang maging magaling sa kanilang piniling kurso. Dahil sa kanila rin, naging kabilang na naman ang IIT ngayong 2011 sa sampung pinakamagaling na paaralan sa ating bansa. Ito ay ayon sa topstudylinks.com. Kabilang din ang IIT sa top 10 nursing schools sa ating bansa ngayong taong 2011 at pangsiyam ito. Ito ay ayon sa ikuwaderno.com.
Hindi lang naman lahat ay tungkol sa patalinuhan dito sa IIT. Marami rin naming mga grupo dito na kumikilala ng mga may talentong estudyante. Ang mga magandang halimbawa ay ang Octava Choral Society, IPAG, at mga dance groups. Sila ay nagkakaroon ng mga audition para rin naman ay hindi masayang ang talento ng mga estudyante. Napag-usapan na nga lang naman ang IPAG (Integrated Performing Arts Guild) at Octava Choral Society, nakapagtanghal na sila sa ibang parte ng ating bansa at gayundin sa ibang bansa. Hindi sila mga pipityugin na tagatanghal sa entablado.
Bilang pagpapatuloy, taon-taon ay nagkakaroon ng Palakasan kung saan ang mga naglalaban ay ang mga iba’t ibang kolehiyo sa IIT. Ginagawa ito para ipakita ang talento ng mga estudyante sa larangan ng isports, pagsulat, pagkanta, at pagsayaw. Malaki ang naitutulong ng Executive Council (EC) ng bawat kolehiyo kung saan ang mga estudyante ang bumubuo nito upang gawing matagumpay ang Palakasan. Masasalamin sa EC ang paghasa sa mga estudyante para maging isang lider at mabigyan ng pagkakataon na maipakita ang kakayahan nilang mamuno.
Pagdating naman sa seguridad ay napakahigpit ng mga guwardiya sa pagpapasok ng mga tao sa IIT. Kailangang palaging suot ng isang estudyante ang kanyang I.D. para makapasok. Ang mga tagalabas naman ay kailangan munang humingi ng gate pass upang makapasok. Iniinspeksyon din ang mga bag para siguraduhin ang kaligtasan ng bawat isa. Kung may kahina-hinalang galaw ng tao, bukas ang mga guwardiya para asikasuhin ito. Naglagay naman ng pedestrian lane sa mga daan para magkaroon ng tamang tawiran ang mga estudyante.
Dahil nga pampublikong paaralan ang MSU-IIT, mababa lamang ang kanilang hinihinging tuition fee. Isa rin itong dahilan kung bakit maraming nag-aaral dito. Kahit mababa ang tuition fee, hindi naman matatawaran ang kalidad ng edukasyon na kanilang ibinibigay. Ika nga “pangworld class.” Ngayong taong 2011, nangangamba na magtaas ang tuition fee dahil sa budget cut sa mga piling unibersidad. Hindi naman pumapayag ang IIT dito dahil ang paaralan na ito ay para sa lahat, mahirap man o mayaman. Sana nga ay hindi matuloy ang budget cut dahil marami ang maaapektuhan na mga estudyanteng nag-aaral dito.
May ispesyal na programa ang MSU-IIT para sa mga hindi pinalad na makapasa sa entrance exam. Ito ay ang GenEd kung saan ang mga estudyanteng hindi nakapasa sa SASE ay binibigyang pagkakataon na makapag-aral dito. Sa programang ito, kailangan munang mag-aral ng isang estudyante ng dalawang taon dito sa IIT bago makapili ng kurso. Ito ay nagsisilibing training sa kanila para maging handa sa kanilang kursong pipiliin.
Ngayong taon rin na ito, naging usap-usapan ang uniporme sa Physical Education (PE). Maraming nagsasabi na may kahawig ito sa uniporme ng isang sekondaryang paaralan dito sa Iligan. May iba rin na nagsasabing kamukha ito sa uniporme ng mga traffic enforcers. Pero may mga estudyante pa rin ng IIT na walang pakialam dito. Sa ngalan na may tatak na MSU-IIT ang kanilang suot ay maaari na nilang ipagmalaki na dito sila nag-aaral. Makikita dito ang buong pagmamalaki at pagmamahal ng isang estudyante sa kanyang paaralan.
Masasabing napakaswerte ng mga nakapasok sa IIT dahil talagang nahahasa ang mga estudyante sa kursong kanilang pinili. Hindi masasayang ang panahon, pera, at oras na iginugol ng bawat isa rito dahil sa kalidad ng pagtuturo na ibinibigay ng mga guro at propesor ng paaralang Mindanao State University-Iligan Institute of Technology at isa rin ito sa maraming unibersidad sa ating bansa na gumagawa ng mga magagaling at propesyonal na manggagawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento