Ito ang Pinaka...
ni:
Roselyn Gecale
Silahis ang katulad mong nagsabog
ng liwanag… Sa tuwing inaawit ko ang awiting ito’y gumagaan at lumalakas ang
aking loob. Nararamdaman ko ang malaking pag-asa ng aking buhay. Nakikita ko
ang maganda kong kinabukasan. At buong puso ko itong ikinagagalak dahil sa
kabila ng aming kahirapan ay nararamdaman ko pa rin ang pag-asang makatapos sa
pag-aaral. Iyon ay dahil sa paaralang MSU-IIT na nasa Iligan City. Binigyan
nito ng kulay ang kinagisnan kong mundo. Ay! Muntik ko nang makalimutan, ang
paaralang ito nga pala ang may-ari ng awiting napakagandang pakinggan na
nabanggit ko sa itaas. Kung iintindihin natin nang maigi ang bawat salitang nagbubuo sa awiting ito ay
talagang nagbibigay buhay sa mga pangarap ng bawat isa. Sa unang linya pa lang ay mababasa na natin amg
salitang “liwanag” na ang ibig sabihin ay siyang ilaw at gabay para
maipagpatuloy natin ang bawat laban sa ating buhay.
Gusto ko lang malaman sa mga bumabasa nito na sa MSU-IIT ako nag-aaral.
Kabilang ako sa mga estudyanteng puno ng pag-asa at siguradong may kinabukasan.
Ibinabahagi ko lang ito sa inyo dahil sobrang saya ko lang na dito ako
nakapag-aral at gusto ko ring magbigay ng inspirasyon sa inyo. Sikat kasi ang
paaralang ito, narinig ko pa nga ang sinabi ng may-ari ng inuupahan kong bahay
na mayroon daw siyang kaibigang agad-agad natanggap sa trabaho dahil una nitong
napasukan ang MSU-IIT kahit hindi siya dito nakapagtapos. Lumipat daw kasi ng
paaralan dahil hindi na nakayanan ang mga nakadudugo-ilong na leksyon. Oo,
mahirap nga ang leksyon na MSU-IIT pero kung masipag kang mag-aral ay
napakadali lang para sa’yo lalo na kung ikaw ay napakatalino. Pero sa nasambit
ko na kanina, basta nasa listahan lang ng mga paaralang napasukan mo ang
MSU-IIT ay tanggap ka na agad sa inaaplayan mong trabaho. Ang astig! diba?
Ganyan kataas ang kalidad nito, talagang pang “world class” na institusyon.
Sabi pa nga nila, matatalino daw ang mga estudyante sa paaralang ito. Sa tingin
ko naman, tama sila pero ewan ko lang kung kasali ba ako sa sinasabi nila, sila
na lamang ang bahalang magdesisyon para sa akin. Ang masisigurado ko lang ay
matatalino ang mga guro dito kaya naging matalino din ang mga estudyante. Nabasa
ko nga sa “cellphone” ng kaibigan ko na “hindi lang tumatanggap ang MSU-IIT ng
mga matatalinong estudyante kundi’y ginagawa din nila.” Kaya nga napakasarap ng
pakiramdam kung dito mag-aaral.
Hindi lang sikat at mataas ang
kalidad kundi mura pa at mababa lang ang babayarin. Hindi ka talaga
magkapoproblema dahil makakaya lang s’yang bayaran ng mga mahihirap katulad ko.
Kung ihahambing natin sa ibang paaralan ay talagang napakalaki ng pagitan. Bakit
‘di mo nalang kaya subukan para masaksihan mo talaga mismo? Laking pasasalamat
ko nga talaga sa Poong Maykapal na
naitayo ang paaralang ito dahil alam kong ito ang maging daan o tulay para
marating ko ang aking mga pangarap. Siguro ay sinadya niya ito para naman magkaroon ng pag-asa ang
mga mahihirap na mamuhay nang hindi mahihirapan. Ganyan tayo kamahal ng Diyos,
talagang gagawin niya ang lahat para sa atin kaya sana naman ay tanggapin natin
nang buong puso ang kanyang ipinagkaloob. Huwag natin itong hayaang masasayang
nang basta na lang. Gagawin lang din natin ang nararapat para sa ikasasaya niya
para hindi siya magsasawang pagkalooban pa tayo ng higit pa.
Kung ang lokasyon naman ang ating
pag-uusapan ay ayos naman ito at hindi delekado. Alam kong ang iba’y takot sa
mga Muslim dahil sa mga narinig nating pang-abuso ng mga MILF noon. Hindi naman
siguro lahat sila ay may ganyang kagawian dahil mayroon din akong mga
kakilalang Muslim. Sila ay mga mababait at hindi kayang manakit ng kapwa tao
dahil pareho lang tayong may mga pusong marunong magmahal at masaktan. Hindi
natin hawak ang mundo, tanging ang Diyos lamang ang pwedeng humawak dahil
pagmamay-ari Niya ito at nakikihiram langh tayo. Oo, may mga Muslim din dito sa
Iligan at sila ‘yong tinutukoy ko na mga mababait. Alam kong hindi lang sila
kundi mayroon pa sa ibang lugar. Kaya wala kang dahilan para matakot sa kanila,
sa totoo nga lang ay nakapunta na ako sa bahay ng kaklase kong Muslim kasama
ang iba ko pang kaklase. Doo’y malugod at buong puso kaming tinanggap ng
kanyang ina, inaasikaso niya kami. Ang saya-saya namin doon, nagkaroon kasi
kami ng “party” sa kanila. Kita mo na? hindi talaga nakatatakot dito sa
MSU-IIT, talagang wala kang makikitang dahilan para matakot. Malawak din naman
ang espasyo ng paaralang ito, sa katunayan ay napakalaki na ng populasyon nito
ngayon dahil sa katanyagan. Mas lalaki pa sana iyon kung dito ka na rin
mag-aaral, diba? Matatatag din ang mga “buildings” at makabago lahat ang mga
kagamitan. Basta! ang masasabi ko lang ay napakaganda ng MSU-IIT at wala ka nang
hahanapin pa kung dito ka na mag-aaral. Para sa akin, isa itong perpektong
paaralan at walang katulad.
Dito ay mayroon ding sariling mga
aklat na binubuo ng mga guro para mas maging epektebo ang pagiging matalino ng
mga estudyante. Ang bawat leksyon na laman ng aklat ay talagang nabibilang sa
pang “world class”. Nilikom ito ng mga guro mula sa iba’t ibang tanyag at makabuluhang
mga aklat. Iniipon-ipon nila ang mga leksyong karapat-dapat para sa kanilang
mga estudyante. Sinisigurado din nilang tama ang mga impormasyong nakuha nila
para tama rin ang kanilang maibigay sa mga estudyante. Ganyan sila kagaling
magmahal ng mga estudyante at gumawa ng paraan para maging mainam ang pagtuturo
sa mga estudyante. Hindi nila pinabayaan ang mga kinabukasan sa mga ito, talagang bukas sa kanilang loob ang
tumulong. Hindi sila makasarili, talagang makikita at mababasa natin sa
kanilang puso ang napakaganda at kahanga-hangang ugali. Ang mga mahuhusay na
mga gurong ito ay talagang maipagmamalaki sa kahit saang lugar at kahit
kaninong tao. Hindi natin iyon maipagkaila sa lahat.
Sa bahaging ito ay taos-puso akong mag-iimbita sa bumabasa nito na kung
hindi ka pa parte ng paaralang MSU-IIT
ay halika na! Ano pa ba ang hinihintay mo? Bubuhayin dito ang iyong mga
pangarap at hindi ka talaga mawawalan ng pag-asa. Nandito na lahat, diba sabi
ko kanina ay wala ka nang hahanapin pa dito.
Sa sinasabi ko na, dito ay sigurado ang kinabukasan mo at iyon ay walang
duda dahil dito ay nagtutulungan ang bawat isa. Hindi nangyayari dito ang
pang-aapi sa kapwa. Ano pa ba ang silbi ng mga pangarap kung hindi mo ito susubukang
tuparin? Alam naman nating mahalaga sa atin ang ating mga pangarap, diba? Basta
maging masipag ka lang ay hindi ka talaga mabibigong maabot ang iyong mga
pangarap lalo na kung dito sa MSU-IIT mo iyon sisimulang tuparin. Totoo lahat
ng sinabi ko, hindi ako nagbibiro at lalung-lalong hindi ako nagsisinungaling.
Hindi ko kaya ugali ‘yong magsinungaling! Mabait ako no? kaya huwag ka nang
magdadalawang-isip na maniwala sa akin. Kahit may mga isinulat ako sa ilang
bahagi sa itaas na medyo nakatatawa ay nagsasabi talaga ako ng totoo. Sinulat
ko lang iyon para hindi kayo aantukin at matatapos n’yo talagang basahin itong
sulat ko. Iyon lang kasi ang naisip kong paraan para magkainteresado naman
kayong basahin ito. Para rin kaya ito sa inyo, sa ating lahat. Pinapangako ko,
totoo ang lahat na sinusulat ko. Iyon ang nakita at nasaksihan ng dalawa kong
mata simula nang maging estudyante ako dito sa MSU-IIT. Ang huling masasabi ko
lang ay “ito ang pinaka…” kayo na ang bahalang magpatuloy sa salitang pinaka…
dahil alam kong alam n’yo kung ano ang maaaring idagdag sa salitang yan. Ayos
ba? Tayo na’t sabay-sabay nating isigaw ang “MSU-IIT!” Ay! Bago ko nga pala makalimutan,
ito ang kahulugan ng MSU-IIT (Mindanao State University – Iligan Institute of
Technology).
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento